Ngayong batbat ng dungis ang politika ng administrasyong Aquino, mula
PDAF hanggang DAP, gayon din ang nagaganap sa larangan ng kultura at ng
edukasyon.
Una, pinopolitika ang larangan ng sining, partikular sa usaping National
Artist Award para kay Nora Aunor na hindi inaprubahan ng Pangulong
Aquino. Tulad ng sabi ng isang rayter sa Inquirer, "It is a Presidential
Award." Tama naman ang kanyang argumento. Subalit may "National" doon
sa National Artists. Samakatwid, may usapin ng pagkabansa ang gawad na
ito, kaya may titingalaing alagad ng sining ang bansa dahil sa taglay
niyang galing sa sining. At hindi dahil sa adik siya sa droga dati.
Sabi rin ng rayter, bakit ngayon ay napag-uusapan na sa media maski ang
nominasyon na dati naman ay hindi pinapansin ng mga diyaryo, TV, at
radyo? Ang ganitong obserbasyon niya ay malinaw sa kanyang
pinanggagalingang posisyon: elitista. Katulad niya ang Pangulong Aquino
sa makitid na pananaw ng huli sa larangan ng sining at kultura ng bansa.
Bukod pa rito, bakit ang mga grupong pansining ay walang inilalabas na
pahayag ukol dito? Halos tahimik ang mga grupong panteatro at
pampelikula. May mga indibidwal nang personalidad na pumosisyon panig
kay Nora Aunor. Ngunit mas magiging matingkad ang panawagan kung
magkakaisa ang mga nasa industriya ng pelikula at teatro para kay Nora
Aunor.
Ikalawa, pinopolitika ang larangan ng edukasyon, partikular sa usaping
pag-alis ng mga kursong Filipino sa kolehiyo. Malinaw ang tunguhin ng
edukasyon ng ating bansa ngayong panahon: skills oriented. Wala na ang
dati'y holistic, responsible, proud Filipino na mabubuo mula sa mga
mag-aaral na Pilipino. Hindi naman dahil ginagamit na sa komunikasyon sa
bahay at sa komunidad ang Filipino ay sapat na ito. Malinaw sa
Konstitusyon (Art. XIV, Sek. 6 hanggang 9) na dapat malinang ang wikang
pambansa. At ang isang facet para dito ay ang edukasyon. Samakatwid,
dapat ay may Filipino sa kolehiyo. Hindi lang ito bilang midyum ng
pagtuturo kundi bilang disiplina/larangan.
Marami-rami nang kumontra sa balaking ito ng Comission on Higher
Education (CHEd). Nagkakasundo ang mga guro ng Filipino sa kolehiyo na
dehado sila sa ganitong set-up. Na hindi sila kinonsulta man lang. Nasa
balag ngayon ng alanganin ang mga guro ng Filipino sa kolehiyo. Sa
kolokyal na wika, iniwan sila sa ere.
Pumoposisyon ngayon ang mga guro kontra dito. Malinaw iyan, walang duda.
Pero mabagal o halos wala ang mga pangkat ng mga manunulat, sa
panitikan man o sa peryodismo. Maski ang mga grupong nakabase sa mga
pamantasan, halos tahimik sa usaping ito. Nakalulungkot na kahit
statement of unity o manifesto ay walang nasisilayan mula sa kanila.
Pero dapat ding lampasan nila ang paglalabas lamang ng mga pahayag at
polyeto.
Kung ang mga nasa larangan ng kultura at edukasyon ngayon ay nililigalig, dapat tumbalikin ito at sila naman ang manligalig.