Wednesday, April 30, 2014

Kalatas kay Edita



“With Malacanang’s tough branding of human rights violations as leftist propaganda, are the authorities now saying that I will never see my son again?”
-          Edita Burgos, ina ni Jonas Burgos na ngayo’y desaparecido

Edita,

Sa mga tulad mong lahat ng gabi’y hindi oras
ng pagtulog muli lang masilayan ang pagpasok
ng nawalay na anak o asawa sa pinto ng inyong bahay
ako’y nakikisimpatiya.

Pitong tag-araw na ngayon,
                        alam kong hindi ka nagkukulang
                        sa pagbibilang,
nang dukutin ng mga anino
ang iyong anak na si Jonas*.
Hanggang ngayo’y di pa siya niluluwa
ng doblekarang balyena
o kaya’y ilitaw ng mga maligno.

Tulad mo,
mabigat ang aking mga hakbang
noon na tinutunton kung saan maaaring
naroroon ang aking kabiyak.

Hangad niya lamang noo’y
mabuo ang mga basag na tiwala,
tipunin ang mga pira-pirasong paninindigan
upang lahat ng naghihimagsik
ay sama-sama muling tuntunĂ­n ang daan
tungong kalayaan.

Ngunit ibinintang sa kanya
ang pagiging upahan ng mga Frayle
para isubo sa hurno ng Himagsikan
            itong ating Inangbayan.
At inutos daw niyang kitlin ang buhay ni Heneral Miong
at nais niyang maging Hari ng Bayang Katagalugan…

A, lugod ng aking buhay!
Ngiti ng aking lungkot!
Lagi ko siyang panaginip, Edita:
Ang paglipat-lipat namin ng matutuluyan,
Ang pagtatago namin sa mga gubat,
Ang pag-aaruga ko sa kanya sa kulungan,
Ang salitaan naming walang humpay
            na lahat ng ito’y pagsubok lamang.
Kaytamis ng kanyang bilin, “Magtiis ka, sinta.”

Nang pawalan ako ng mga dumakip sa amin sa Limbon,
nakasalubong ko ang mga kumuha
sa kanya at sa kapatid niyang si Procopio.
Iniwan daw silang dalawa sa Bundok Tala.
Ngunit bakit dala ninyo ang kanilang mga damit?
Ibinilin daw na ipagkaloob sa akin ang mga baro,
ang gamot, at ang kumot.

Ay! Edita, ang aking pinakamamahal na Lakan!

Dagli ako’t humahangos papunta sa kanya.
Tumatangis ako’t halos itaob ang Bundok Tala
at maging ang kalapit na Bundok Buntis,
makita lamang ang kanyang bangkay.
Hindi ko alintana
ang mahigit isang buwang
pagparoo’t parito
at halos walang makain
sa buong maghapon at magdamag
muli lamang siyang mayakap.

Edita, takot silang mga kaaway ng Supremo
na maglaho ang kinang
ng kanilang baston at mga karwahe.
Kaysakit isipin na makalipas
ang ilanpung taon mula noon,
mas kumikinang na ang kanilang mga mata
sa kalansing ng mga barya’t
salamangka ng mga lagda.
 
Kaya hindi ko masisisi na ang iyong si Jonas
ay tinuring na mapanganib
dahil sinasaling niya ang sugat
na malaon nang nagnanaknak
sa puso’t isip ng mga kapuspalad.

Edita, nawa’y magtagpo kayong muli
ni Jonas,
sa lalong madali.
Muli mo siyang mayakap at mahagkan.
At sa sandaling iyon,
maturol nawa ng susunod na salinlahi
na walang lihim
            na di mabubunyag
kailanman
sa alaala ng ating kasaysayan.

Sumasaiyo,
Lakambini




*Abril 28, 2007 nang dukutin si Jonas Burgos sa Ever Gotesco-Commonwealth ng pinaghihinalaang mga militar. Sumisigaw si Jonas na “Aktibista lamang ako!” habang pilit na isinasakay siya sa isang maroon na Toyota Revo. Mula noon, hindi pa nakikita si Jonas ng kanyang inang si Edita Burgos.