|
Mga screenshot galing sa pelikulang The Burmese Harp |
Naispatan ko nitong Martes sa Instagram ng Janus Films ang trailer ng
The
Burmese Harp (1956) na dinirek ni Kon Ichikawa at film script ni Natto Wada
batay sa nobela ni Michio Takeyama na may gayunding pamagat. Sinasabi nito na restored
in 4K ang kopya nila ng pelikula. Di ako pamilyar sa pelikulang ito kaya hinanap
ko sa internet kung saan pwedeng mapanood. Nakahanap naman ako ng isang
streaming site at napanood ko kagabi.
May isang pelikula ni Ichikawa na napanood ko na mahigit sampung taon
ang nakararaan, ang Fires on the Plain (1959). Sa klase ito ni Dr. Joel
David na Film 240 (Cinema and Nation). Dito sa Fires, nalalapit na ang pagtatapos
ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nauubos na ang supplies ng mga sundalong
Hapon sa Leyte. Nauwi na sila sa desperasyon at sa cannibalism para mabuhay
samantalang patungo sila sa Palompon,
Leyte para makarating ng Cebu at dito sila itatakas pabalik ng bansang Hapon. Kalunos-lunos
na mga tagpo ng giyera ang ipinakita rito ni Ichikawa sa Fires – unti-unting
pagpanaw ng pagkatao at pakikipagkapwa.
Na malayo sa kanyang The Burmese Harp. Naka-set ang salaysayin ng
pelikula sa panahong sumuko na ang bansang Hapon. Isang company ng mga sundalong
Hapon sa Burma ang umaawit bilang morale booster sa udyok ng kanilang pinuno na
si Captain Inoue. Sinasaliwan ni Pvt. 1st class Mizushima ang kanilang
awit gamit ang kanyang alpang Burmese. Nagtungo sila sa isang baryo at magiliw silang
tinanggap at pinakain ng mga tagaroon. Nang biglang magsiuwian ang mga
tagabaryo sa kanilang mga bahay, saka lamang nabatid ng mga sundalong Hapon na
nakompromiso ang kanilang kaligtasan. Habang naghahanda sila sa pagsalakay ng
kanilang kalaban, umaawit sila upang lansihin ang mga British at Indian. Nang
nakaposisyon na ang mga Hapon, umawit din ang mga British at Indian. Saka nabatid
ng mga Hapon na tapos na ang giyera.
Bago magtungo sa prison camp sa Mudon na nasa timog-silangan ng Burma
ang mga sumukong sundalong Hapon, inatasan ni Capt. Inoue si Mizushima na himuking
sumuko ang mga nakikipaglaban pang sundalong Hapon sa Triangle Mountain. Dagli
siyang sumunod at nagtungo roon kasama ang isang Burmese na giya at sundalong
British. Kinausap niya ang mga nakikipaglaban pa ring sundalo sa bundok ngunit
matigas silang tumangging sumuko. Anila, mabuti pang mamatay na lumalaban.
Pagsapit ng takdang oras, binomba ng mga sundalong British ang kuta ng mga
Hapon sa bundok. Nadamay si Mizushima sa pambobomba subalit nakaligtas siya at
inalagaan ng isang mongheng napadaan sa lugar.
Sampung araw na ang lumipas at nasa Mudon na ang company ni Capt. Inoue.
Di pa nakakabalik si Mizushima. Mahirap mang tanggapin, inisip nilang patay na siya.
Ngunit sa isang pagkakataong pabalik na sa prison camp ang kanilang company matapos
ang kanilang paggawa sa isang tulay samantalang binabantayan sila ng isang
sundalong Indian, napansin nila ang kasalubong na monghe na kamukha ni
Misuzhima.
Nang iligtas si Mizishuma ng isang monghe mula sa tiyak na kamatayan,
nagpanggap siyang monghe upang makasunod sa company ni Capt. Inoue. Samantalang
naglalakad patungo sa Mudon, nakita niya sa dalisdis ng mga bundok at baybayin ang
naaagnas na mga bangkay ng mga kapwa sundalong Hapon. Naaawa siya sa sinapit ng
mga ito ngunit kailangan niyang makabalik sa kanyang company. Nakitulog muna
siya sa isang templo malapit sa Mudon. Napapanaginipan niya ang mga bangkay.
Nagising siya at tumutugtog sa labas ng kanyang kuwarto ang isang batang lalaki
ng kanyang alpa. Hiniram niya ang alpa at tinugtog ito. Namangha ang bata sa galing
ni Mizushima at hinimok nitong turuan siya. Sa ganitong tagpo siya nagpasya na
hindi na bumalik sa kanyang company.
Sa huling gabi ng mga sundalong Hapon sa prison camp, nasa labas nito si
Mizushima kasama ang batang lalaking may alpa. Umawit ang kanyang mga kapwa
sundalo. Tumugtog si Mizushima ng alpa. Hinimok nilang umuwi siya kasama nila.
Patuloy lang sa pagtugtog ng alpa si Mizushima saka siya umalis. Kinabukasan, sakay
na ng barko pa-Japan ang mga sundalong naging bihag. Binasa ni Capt. Inoue ang
liham ni Mizushima na nagsasabing pinili niyang maging monghe at maging misyon
ang ilibing nang maringal ang kapwa mga sundalong Hapon na nakita bago
makarating sa Mudon. At saka lang siya uuwi kapag natapos na niya ang misyong
ito.
Isa sa mga katangian ng mga pelikulang Hapon gaya nitong The Burmese
Harp ni Ichikawa na nagustuhan ko ay ang pagiging tahimik at matimpi sa paraan
ng pagsasalaysay. Ganito rin ang kanyang Fires on the Plain. Tinatalakay
ng mga ito ang kontra-giyerang tema gamit ang dictum na “itanghal, hindi idaldal”.
Ipinadarama ng The Burmese Harp ang lupit ng naging giyera sa bansang
Hapon bukod sa naging pagbomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki noong 1944. Na
ang mga sundalong Hapon sa labas ng kanilang bansa ay naging mga biktima rin ng
kanilang ultra-nasyonalismo.