Thursday, November 29, 2012

Panaginip (multiply post, Dec 8, '10 2:27 PM)

Nagising akong wala
ka sa aking tabi.
At naging basag na salamin
ang ating higaan.

Dagli akong bumangon.
Inapuhap ka sa labas ng bahay.
Nilakad ko ang kalsadang
puno ng makikintab na bubog.

Nakarating ako sa kalapit na ilog.
Nagniningning ang mga basag nitong alon.

At naroon ka sa kabilang pampang.
Nais kitang tawagin, abutin.
Ngunit nabasag ang aking tinig.

Pagmulat ko ng mata,
wala ka na sa aking tabi.
Pinagpapawisan ako nang malamig.

Dahil sa basag na liwanag
mula sa poste sa labas,
sumusugat sa aking paningin
ang ilang piraso ng basag
na salamin
ng ating tokador.

12/03/2010
 

Ang Pag-ibig ay Pinto (multiply post, Dec 8, '10 2:15 PM)

Pagkatapos ng tatlong katok,
binuksan mo ang pinto.
Pagpasok ko sa loob,
Ni-lock mo ‘ko sa iyong puso.

11/26/2010
 

Oda sa Gitarista (multiply post, Dec 8, '10 1:56 PM)

Iniibig
mo ang bayan.
Tulad ni Balagtas,
ang iyong tinig
ay nakapagsupling
na ng laksang makata,
lalo na ng mga mandirigma.

Una mong ipinahayag
na hindi lang pumpon
ng mga salita
ang dapat marinig
sa iyong mga tula’t awit.
Kasabay nito’y obertura
ng mga kamao,
ng mga nagmamartsang paa,
na para sa iyo’y isang kurot
sa gunita
nilang nililimot
ang tunggalian ng mga uri.

Kandong ang iyong gitara,
minsan mo nang binanggit
na kung bawat kuwerdas
nito’y gatilyo
at bawat nota’y
punglo,
kayrami nang bubulagtang
pasista.
Ngunit isa ka lamang
mangingibig,
sabi mo.
At dahil diyan,
may bakas ng poot
ang iyong awit
kahit na may lambing
ang iyong tinig:

“Halina, Halina…”

Dahil ang iyong mga awit
ang daluyan
ng ating himagsik.



11/26/2010

Isang tulang haka ng isang di-kilalang pulis na kasama sa mga nagpalaya sa mga binihag ni SPO1 Mendoza (multiply post, Nov 30, '10 1:26 PM)

Iba pala ang pakiramdam ng pagiging sikat.

                 Sino’ng mag-aakala
                 na ang isang
                 tulad ko, ay sisikat matapos
                 ang pandurugas ng isang kabaro?
 
                                     Kung di ba naman
isang libo’t isang kahunghangan
            ang pumasok                         sa kukote
ni Mendoza                at bihagin ang mga turistang Tsino
sa loob ng isang bus
para sa kanyang sariling problema?

Aba!
Dahil doon, hindi ko na nagawang mag-abang sa kanto
ng Padre Faura
ng mga truck driver
para sa gabi-gabi kong meryenda.

Maghapong               naghihintay                 ang lahat        kung sino
ang unang                  bibigay           sa nang-hostage at sa pwersa namin.

Pinatawag kami ni Magtibay
nagpasya na’ng itaas:
itumba na si Mendoza.

Pila-pila kami ng mga kabaro
                        iba pala ang pakiramdam na suot ang bullet-proof vest
hawak ang isang maso
            ako ang pumalo
                        sa salaming bintana ng bus.
Ay sus!           Tu        mal      bog     ang maso.
Ilang ulit ko pang pinalo.
Ay sus!           Ilang ulit ding tu         mal      bog.
Ay sus!

May nagpaputok sa loob!
Aba, niratrat din namin.                    Gantihan na lang ang laban.

Sa wakas, nabasag na’ng bintana!

Tear gas, tear gas!
Ako ang nagpasok niyon sa bus.

Maya-maya, pumasok ako sa bintana.
    Lintik! Ang sakit sa mata…
                                             Buti na lang may mga buhay pa.
                                             At ayun si Mendoza, tepok na.

Palakpakan lahat ng mga miron…

At sikat kami,
lalo na ako.

Buti na lang,
hindi ako kilala
ng taumbayan.

Mahirap nang masisi.


10/16/2010 
 

http://lvbamante.multiply.com/journal/item/65/Isang-tulang-haka-ng-isang-di-kilalang-pulis-na-kasama-sa-mga-nagpalaya-sa-mga-binihag-ni-SPO1-Mendoza

Idol (multiply post, Nov 9, '10 5:38 PM)

Kapag kinakalabit niya ang gitara,
Nauulinig ang harmonya’t melodiyang

Mula sa pagdildil ng asin at sa tuyong
Lalamunan. Kaya’t kanyang naituturo

Na ang gitara niya’y naisasahimig
Ang hangad na buhay ng mundong inaawit.

May halina ang kanyang tinig. Nararapat
Lamang na walang mapapatid na kuwerdas

Sa gitarang kandong n’ya habang nagtatanghal.
Ngunit nagsasara din ang popular na bar.

Uuwi ang mga nasiyahang kustomer.
Ang hangad niya’y mamulat sila sa dilim.


11/06/2010
 

Isang bagong tula ni Ho Chi Minh (multiply post, Nov 7, '10 4:41 PM)

Dumating siya’t nagpugay
sa aking busto. Namangha
ako sa kanyang paggalang.
Ngunit nanuot ang lansa
ng kanyang barong na dilaw.


10/29/2010
 

Pasasalamat (multiply post, Nov 7, '10 4:38 PM)

Kasalukuyan akong nagmamay-ari
ng 41 casinos
na kumikita ng $300,000 bawat isa,
ng 40 luxury hotels
na kumikita ng $200,000 bawat isa,
ng 40 opisina
na kumikita ng $150,000 bawat isa,
ng 40 highrise apartments
na kumikita ng $50,000 bawat isa,
ng 40 karaniwang hotels
na kumikita ng $10,000 bawat isa,
at ng 40 restaurants
na kumikita ng $700 bawat isa,
kada oras.

Sa sandaling ito, nasa $356,584,748,986
na ang nasa aking vault.
Bukod pa iyan sa nasa Mob Bank
na $500,000,000.

At dahil sa kailangan kong proteksyonan
ang aking sarili, nagmamay-ari din ako
ng 5 armored range rovers,
5 mercedes w220,
at 5 bmw 735
na armado ng 20 tommy guns,
20 bullet-proof vests,
at 20 miniguns.
Bukod pa riyan ang mga .38 at .45.

A, salamat.
Ang lahat ng ito’y dahil sa aking abilidad.

Kaya kong magpuslit ng droga patungo sa China
at suhulan ang aviation security.
Kikita na ako ng $45,000,000.
Kung magnanakaw naman ako sa mga lehitimong bangko,
madali na ang $107,178 hanggang $443,828.
Kung magpupuslit naman ako ng mga swabeng alak,
lango na ako sa $48,000 hanggang $72,000.

At para regaluhan ang aking mahal na doña
(at mga kulasisi) at mga anak, sigurado na ang nanakawing mga alahas.

Pinakamainam ang $100,000 bawat isa
kapag napatay ko ang sinuman
kina hauntaro, The Italian Outlaw,
shoota69, Roy The Gun,
at iba pa.
Lalo na ang imortal kong kaaway
na si Don Antonio Corleone.

A, salamat at hindi na ako naghihirap.
Mas mayaman pa ako kay Zuckerberg.

10/29/2010 
 

Paano pumaslang ng anino (multiply post, Oct 23, '10 12:33 PM)

Hayaan mo siyang salubungin ka
sa oras
na kanyang piliin.

Dapat maging alisto.

Kapag naramdaman mong palapit na siya,
sunggaban mo.
Papalag siya hanggang sa maubusan
            siya ng lakas.

Huwag mo siyang hayaang makawala.
Igapos mo, kung maaari.

Itago siya ng ilang araw sa kisame.
Oras-oras, busugin mo siya
ng sampaltadyaksipasuntokpalo.

Kapag lupaypay na ang bihag,
saka mo dukitin ang kanyang mata.
Sulsihin ang kanyang mga labi.
Biyakin ang kanyang dibdib.

At dukitin ang kanyang puso.

Ihawin ito hanggang sa maging abo.
At ihalo sa tubig.

Saka mo inumin.



10/09/2010 

Alitaptap (multiply post, Oct 12, '10 10:19 AM)

Namalas ko ang iyong ningas
isang magdamag
na walang dagitab.

Habang hinihintay
ang lamig ng gabi,
sumulpot ka sa likod ng malalagong
dahon ng mangga.
Mag-isa kang sumasayaw
sa hangin habang sumusungaw
sa mga ulap ang malamlam na buwan.

Binuksan ko ang aking palad.

Dumapo ang iyong liyab.
Umikot-ikot.
Umiindayog.

Sandali kang huminto.

Sinundan kita ng tingin
habang pabalik sa mga dahon ng mangga.

At naroon ang mga kasarí
mong nagkumpol-kumpol
ang dalang liwanag

sa isang magdamag
naming
walang dagitab.



09/30/2010

Hinahanap ko ang iyong bango (multiply post, Oct 9, '10 9:44 AM)

Hinahanap ko ang iyong bango
Nang magbalik ako sa silid na ito.
Gusot-gusot ang bedsheet, ang mga unan.
Lamukos ang puting kumot. May naiwang

Ilang hibla ng iyong mahabang buhok.
Sa katabing mesita, nakamarka pa sa yosi
Ang sosi mong lipstick. Pati ang nilagok
Mong serbesa sa baso. Umagaw lang tayo ng sandali

Na naging pag-ani ng mga halik at hininga.
Umaapaw sa mga panahong iyon ang ating
Sarili na napag-iisa’t napaghihiwalay. Sadyang
Ang samyo mo ang hatid ng hangin.

Subalit sa yugtong ito, lahat ng ito’y gumagalaw
Na mga retrato. At dito sa silid ang iyong bango’y naiwan.

09/25/2010
 

Ang Pag-ibig ay Outlet (multiply post, Sep 25, '10 4:12 PM)

Saksakan ka ng ganda't
Nanginig aking mata.
Puso ko'y nakoryente.
Ayoko nang magpari.

09/25/2010

Kay Simeon (multiply post, Aug 17, '10 7:05 PM)

Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang pangakong daang malinis at matwid,
pinaghahariang hasyenda'y kailan
mapapasakamay ng mga nagbungkal?

Yaong alaalang laging pinanganganiban,
baka nakalimot sa pinangakuang
mga magsasakang tanging pinangarap
pagdurusa't lungkot sadyang mabaligtad.

Parang naririnig ang lagi mong wika:
"Ngayo'y matatapos na'ng pagdaralita,"
kapalit ng dating gloryang nagbusabos
sa bayang malaon nang napayukayok.

Nagbabalik mandi't parang hinahanap
ngunit baka naman iyon nga'y lumipas
na't sinambit lamang upang may masabing
kahali-halina sa bayan kong sawi.

Ito'y unang bukal ng bait kong kutad
ngunit 'wag itapon, baka ikasugat
ng iyong mahinang puso't di makaya
ang mga parating na tulang may sima.

08/15/2010
 

Nang Pumalaot ang Kaliwa sa Dagat ng Pambansang Eleksyon (o Kumanan na nga ba ang Kaliwa?) (multiply post, Jul 4, '10 9:38 PM)

Long-delayed na ang sanaysay na ito. Pero kahit na, gusto ko pa ring ilabas ito. Ito ang masasabing karugtong ng “Eleksyon, moral ascendancy, krisis, at protesta: Ang pagbangko ng pag-asa’t pagbabago sa rehimeng US-Aquino” na in-upload ko rito sa Multiply noong May 27, 2010.

Hindi na bago ang pagpasok ng Kaliwa sa Pilipinas sa laro na kung tawagi’y eleksyon. Una nang sinuong ito nina Luis Taruc at mga kasama noong eleksyon ng 1946 sa ilalim ng Democratic Alliance (DA). Kasapi sila ng noo’y Partido Komunista ng Pilipinas na itinatag noong 1930 (PKP-1930). Ayon sa Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero (34), nakipagsanib ang DA sa Nacionalista Party para sa eleksyong ito. Nanalo ang tatlong senador ng DA ngunit hindi sila pinaupo ni Pangulong Manuel Roxas. Mula sa Liberal Party si Roxas, na binubuo ng mga pinatalsik na Nacionalista.

Ito ang masasabing unang paglahok ng Kaliwa sa pambansang halalan. Dahil may nanalong mga senador ang PKP-1930 noong 1946, may simpatya’t following na noon ang unang grupo ng mga Kaliwa sa bansa. Ang masasabing pinakamalaking pagkakamali ng PKP-1930 ay ang pag-abandon nito sa armadong pakikibaka. Mula rito’y unti-unti nang nalusaw ang kanilang organisasyon. Pinasidhi pa ito ng pagsuporta ng lideratong Jesus Lava sa administrasyong Marcos na kumakatawan daw sa “ascendancy of the reformist national bourgeosie over the feudal lords and the compradors” (Sison 58-61). Kaya itinatag muli ang PKP noong 1968 na naniniwala sa armadong pakikibaka bilang pangunahing armas na magpapabago sa lugmok na ekonomiya ng bansa sa kamay ng imperyalismong Estados Unidos (US).

Naniniwala ang bagong PKP na hindi lang eleksyon ang sagot sa mga problema ng bayan. Ginagamit lang ito ng mga naghaharing-uri upang mapanatili ang kanilang mga angkan sa itaas ng istrukturang pampolitika at siguruhin ang kanilang ari-arian. Kaya ituturing din ng mga kilusang makabayan at mga mamamayan na huwag lumahok at bumoto sa mga eleksyon. Boykot pa nga sila noong 1986. Pero sino’ng makapagsasabi noon na magkakaroon ng EDSA People Power? Tila isang biglang silab ang tumupok at nag-upos sa diktaturyang Marcos. At naluklok si Cory Aquino bilang Pangulo.

Tatlong pangulo na’ng nagdaan at muli, isa na namang Aquino ang nasa Malakanyang. Ano na kayang kahihinatnan ng kilusang Kaliwa sa Pilipinas? Kaiba sa pagkapanalo ng DA noon, hindi nagtagumpay ang candidacy nina Satur Ocampo at Liza Maza para maging Senador. Masasabing tinik sa lalamunan ng nakaraang administrasyong Macapagal-Arroyo ang mga makabayang mambabatas na ito mula nang manalo sila sa ilalim ng Bayan Muna party-list noong 2001. Inakusahan sila ng kung ano-anong kasong pulitikal at maging kriminal, bukod pa kina Teddy Casiño, Rafael Mariano, Joel Virador, at namayapa nang Crispin Beltran. Sila ang masasabing vocal critics ng mga polisiyang kontra-mamamayan, bukod pa sa mga ipinanukala nilang mga batas na pabor sa nakararaming mamamayan. Kaya gayon na lamang ang harassment sa kanila. Subalit mas masidhi pa ang pandarahas sa mga simpleng kasapi’t organisador ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at iba pang organisasyong progresibo.

Kaya nang ipahayag nina Ocampo at Maza ang intensyon nilang tumakbo sa pagka-Senador, suportado ito ng malaking hanay ng mga makabayang kagrupo nila. Maging ako’y nasa panig nina Ocampo at Maza. Subalit sa eleksyong ito’y hindi sapat ang intensyon at marubdob na adkihaing maglingkod sa mamamayan. Kahit na may koalisyong Makabayan na kanilang binuo noong isang taon, kinakailangan ng malaking makinarya upang ilunsad ang malawakang kampanya.

Unang napabalitang nakikipag-usap ang grupo nina Ocampo at Maza sa mga Liberal at Nacionalista na maging guest candidates. Hindi sila isinama sa senatorial line-up ni Aquino dahil mahigpit na tagasuporta ang Bayan Muna sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Maswerteng tinanggap naman sila ni Manny Villar sa Nacionalista. Pero kasama pala nila sa line-up si Bongbong Marcos, anak ng dating diktador. Ani Ocampo, he would not share the same stage with a Marcos. Nananatili ang mga isyu kahit na nakipagkamay si Marcos kay Ocampo sa isang event na kinover ng media.

Sa mga araw ng opisyal na kampanya, naglabas ng pahayag ang PKP at maging si Jose Ma. Sison sa isang intebyu na sumusuporta kay Manny Villar para maging Pangulo ng bansa. Ayon sa kanila, si Villar ay kiling sa mga programang pang-ekonomiya at pampolitika ng PKP. Ngunit sa mga panahon ding ito lumabas na secret candidate daw si Villar ng mga Arroyo, kaya binansagan ang tandem nilang Villarroyo.

At dumating ang eleksyon.

Dahil automated, mabilis ang dating ng mga resulta matapos ang Mayo 11. Hindi inaasahan ng marami, lalo na ng mga nasa kilusang makabayan, na lagpak ang pwesto nina Ocampo at Maza sa bilangan. Naungusan pa sila ni Risa Hontiveros-Baraquel na nasa ika-13 puwesto. Nadismaya ang mga nasa Kaliwa, maging ako na ibinoto ang mga makabayang ito. Mas mataas pa ang nakuha ni Bongbong Marcos para maging Senador ngayon. Bagaman malalaki ang bilang na nakuha ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Act-Teachers, at Kabataan party-lists, hindi mapasusubaliang may repleksyon sa Kaliwa ang kinahinatnan nina Ocampo at Maza.

Sa pakikipag-usap ko sa ilang kaibigan at kapanalig sa sining pagkatapos ng eleksyon, may mga punang lumabas sa pagpasok at pagkatalo ng Kaliwa sa eleksyong ito. Ang pagbabalik ng mga datihan na sa pambansang pamahalaan ay pagpapatuloy lang ng bulok na sistema ng halalan. Marami ang nagsasabing lumakad talaga ang pera, lalo na sa mga lokal na puwesto. At nito ngang buwan, naglipatan na ang mga nasa Kamara, gobernador, mayor, at iba pa sa Liberal Party. Sa ganang ito’y lalakas pa ang Kaliwa, lalo na’t walang malinaw na programa sa repormang agraryo ang administrasyong Aquino.

Pero, sabi nga ng iba, the numbers speak for themselves. Sa akala kong marami ang kabilang sa mga kilusang makabayan, magwawagi sina Ocampo at Maza na maging Senador. Dito nila maisasatinig ang hinaing ng mamamayan. Pero hindi nga ganoon ang nangyari. Masasabing maliit pala ang bilang ng mga kasapi ng mga grupong ito, bukod pa sa mga allies at symphatizers nito. Sa kabilang banda, maaaring dinaya ang bilang ng kanilang boto dahil kaya namang manipulahin ang PCOS machines, ayon na rin sa independent media at IT experts. Matindi rin ang balck propaganda na may links sa New People’s Army sina Ocampo at Maza. Sa isang discussion forum na ginanap sa UP Diliman nitong Hunyo, ipinahayag ni Ocampo na patuloy ang harassment ng militar sa mga kasapi ng Bayan Muna at mga katulad na samahan na huwag bumoto. Tinakot diumano ang mga kasapi. Sa bahaging open mic, isang manunulat ang nagpahayag na labag sa kagandahang-asal ang sinabing ito ni Ocampo. Kung natakot diumano ang mga tao, wala nang rebolusyong magaganap sa yugtong ito ng kasaysayan. Tila naputulan ng dila ang nasa panel ng nasabing forum. Maanghang ang puna ng manunulat, hindi inaasahan.

Ang pinakamabigat na argumento sa pagkakatalo nina Ocampo at Maza ay ang pagsali nila sa Nacionalista, lalo na’t nakabandera dito si Villar. Sa panahon ng kampanya, batuhan talaga ito ng putik. At matitindi ang ibinato kay Villar. Masasabing hindi nakabangon si Villar sa mga alegasyong korupsyon sa C-5 extension deal at sa hindi niya tunay na pagiging mahirap. Nadamay sina Ocampo at Maza. Sa kabila ng muling pag-expose ng Kaliwa sa Hacienda Luisita massacre noong 2004, hindi nagbago ang results ng survey hanggang sa araw ng eleksyon pabor kay Aquino.

Puna nga ng isang dating nasa kilusan, kung nagsariling lakad sina Ocampo at Maza, mas malaki pa ang tsansa nilang manalo. Tila opurtunismo ang namayani sa loob ng PKP, sabi niya. Mas maanghang naman ang galing sa isang manunulat, naging trapo na ang mga pinuno ng kilusang makabayan.

Habang ginagawa ko ito’y naniniwala akong may magandang kinabukasan ang Kaliwa sa Pilipinas. Sa pelikulang The Founding of a Republic, sinabi ni Mao Zedong – na ginampanan ni Tang Guoqiang – “we learn from our mistakes.” Wala pa akong nababasang pahayag na tumatasa sa karanasan ng Kaliwa sa nakaraang eleksyon. Maaaring tama o mali ang paglahok ng Kaliwa sa eleksyon ngayon. Sa tingin nila marahil, hinog na’ng panahon para umakyat sa Senado ang mga pinuno ng kilusan. They have proved themselves worthy of the tasks since their membership in the House. Pero hindi ito natuloy.

Sa ganang ito, hindi dapat mag-wallow sa pagkatalo ang Kaliwa. Hindi na baleng mawala ang isang larangan, huwag lang ang buong tiwala ng mamamayan.



Sanggunian:
Guerrero, Amado. Philippine Society and Revolution, 5th ed. Phils: Aklat ng Bayan, Inc, 2005.

Sison, Jose Ma. at Julieta De Lima. Philippine Economy and Politics. Phils: Aklat ng Bayan, Inc, 1998.