Thursday, July 26, 2018

"Awit ng Umaga" ni Sylvia Plath

Si Sylvia Plath kasama ang kanyang mga anak na sina Frieda at Nicholas. 
Larawan mula sa https://www.thetimes.co.uk/imageserver/image/methode%2Ftimes%2Fprod%2Fweb%2Fbin%2F51220390-2c60-11e8-b7e0-bf91416644a6.jpg?crop=768%2C432%2C0%2C40&resize=685 

Awit ng Umaga
ni Sylvia Plath

Pinaiinog ka ng pag-ibig tulad ng isang mataba, gintong relo.
Hinampas ng komadrona ang iyong mga talampakan, at ang kalbo mong iyak
Ay dumikit sa lahat ng elemento.

Umaalingawngaw ating mga tinig, isinisigaw ang iyong pagdating. Bagong estatwa.
Sa isang kaylamig na museo, kahubdan mo’y
Anino sa ating kaligtasan. Tila tayo mga pader sa pagkakatindig.

Hindi ako ang iyong ina
Higit pa sa ulap na parang salamin sa pag-aninag sa sariling pag-usad
Sa tulak ng kamay ng hangin.

Buong gabi ang mariposa mong hininga
Ay sumasayaw sa mga kalimbahing rosas. Gumising ako para makinig:
Nasa tainga ko ang wika ng isang malayong dagat.

Isang uha, natumba ako sa kama, mabigat ang gatas at mabulaklak
Sa aking Victorian nightgown.
Sinlinis ng nakabuka mong bibig ang sa pusa. Ang kuwadrong bintana’y

Namumuti at nilulunok ang mga naghihingalong bituin nito. At sinusubok mo ngayon
Ang ilan mong kalatas;
Ang malilinaw na patinig ay umalagwang tulad ng mga lobo.

26 Hulyo 2018
Salin ni Louise Vincent B. Amante


Mula sa:

Plath, Sylvia. The Collected Poems. Introduction and edited by Ted Hughes. New York: Harper Perennial, 1992. 156-157.

No comments:

Post a Comment