Monday, August 9, 2021

Palaisipan

Larawan mula sa https://icebreakerideas.com/wp-content/uploads/2019/04/Trick-Questions-IcebreakerIdeas-e1603592906653.jpg


Palaisipan

Paano kung hindi ka makakita?
Wala nang pangit para sa iyo.
Ang ganda siguro ng buhay, ano?

Paano kung hindi ka makarinig?
Wala nang maingay para sa iyo.
Ang ganda siguro ng buhay, ano?

Paano kung hindi ka makaamoy?
Wala nang mabaho para sa iyo.
Ang ganda siguro ng buhay, ano?

Paano kung hindi ka makakain?
Wala nang gigilingin ang tiyan mo.
Ang ganda siguro ng buhay, ano?

Paano kung hindi ka makapag-isip?
Wala nang problemang darating sa iyo.
Ang ganda siguro ng buhay, ano?

Paano kung hindi ka makasalita?

Wala nang makikinig sa iyo.
Ang ganda siguro ng buhay, ano?

Paano kung hindi ka magmahal?
Wala nang uunawa sa iyo.
Ang ganda siguro ng buhay, ano?


Agosto 9, 2021
Quezon City

Saturday, August 7, 2021

Pandesal

Ma-Jusay Bakery sa Angono, Rizal. Mula sa https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhVh55l3okHgB4GEuUXPE4z6jBeIMZ5ZjyzXMwxCBzeqZk7tso2rYXkHig0rAqYciUgOPDkWs9APaeqXN0dWJl9hUxC3QsRTPKgsVNKUpWrFaZ6beo7jK7j9KPbptH3VOK2v-iZaOrS_u0/s1600/DSCN4165.JPG


Pandesal

Louise Vincent B. Amante

Pandesal na bagong luto
at kalahating Dari Creme
na binili sa Ma-Jusay
sa tapat ng munisipyo.
Pipilasin ang tinapay,
ipapahid sa mantekilya.

Kagat . . . nguya . . . lunok . . .

Buhay na ang dugo
naming magbabarkada.
Handa na uling gumawa
para sa mahal na parokya. 


7 Agosto 2021
Lungsod Quezon


Friday, August 6, 2021

Gitara

Mula ang larawan sa https://thekevinpableo.files.wordpress.com/2020/05/stickerhappy-1.jpg?w=723&h=485

Gitara
Louise Vincent B. Amante

Kinandong ko ang gitarang
binili ni Tatay sa naglalakong matanda.
Di ko alam kung bakit napabili si Tatay,
matamis kaya ang dila ng nagbebenta?

Tinipa-tipa ko ang kuwerdas.
Binuklat ko ang chord chart
na nasa songhits ni Ate.
Di lumalapat ang mga daliri ko
para mapatunog ang A chord.

Sumasabit ako sa pag-istram.
Inulit ko nang inulit, wala pa rin.

Paano nga ulit ang D, E, C, at G?

Madali lang ang E minor, A minor, D minor.

Saka na ang F, F#, G#, Bb, B, C#, at Eb.

Isinilid ko muna sa case ang gitara.
Dinala ko kina Kuya Ely.
Kinuha niya sa case ang gitara at itinono.
Tumipa siya ng G chord. Tapos ay C.
Apat na kumpas kada chord. Inulit ang pattern.

"O, pare ko . . ."

Saka ako natutong magmurá.


Agosto 6, 2021
Lungsod Quezon

Wednesday, August 4, 2021

"Isang Hiwaga" ni Wendy Cope

Larawan mula sa https://i.gr-assets.com/images/S/compressed.photo.goodreads.com/books/1335591885l/13624889.jpg

 

Larawan ni Wendy Cope. Mula sa https://i.guim.co.uk/img/static/sys-images/Guardian/Pix/pictures/2014/11/11/1415711497882/b6c708f0-06ca-4148-865e-d561e17a398b-2060x1236.jpeg?width=1200&height=630&quality=85&auto=format&fit=crop&overlay-align=bottom%2Cleft&overlay-width=100p&overlay-base64=L2ltZy9zdGF0aWMvb3ZlcmxheXMvdGctZGVmYXVsdC5wbmc&s=12734368d22e0b7987640b0f4f969370


Isang Hiwaga
ni Wendy Cope

Sabi ng mga tao, ‘Ano’ng mga ginagawa mo ngayon? Ano’ng mga

            pinagkakaabalahan mo?’
Napaisip ako bigla.

Kiniliti ako ng tanong. Ano ngang mga ginagawa ko
            ngayon?
Kakatwang hindi ko nababatid.

Ngayon naman, siyang tunay, ginagawa ko ang tulang ito,
Ilang taludtod na lang ang idudugtong ko.

Ngunit bukas may magtatanong uli, ‘Ano’ng mga ginagawa

            mo ngayon? Ano’ng mga pinagkakaabalahan mo?’
At di ko pa rin ang alam ang sagot.

 

Salin ni Louise Vincent B. Amante

Cope, Wendy. “A Mystery.” If I Don’t Know, Faber & Faber, 2001, p. 24.

Wednesday, June 30, 2021

"Sumunod sa batas, kahit ito'y mali o ikaw" ni Fernando Pessoa (a.k.a. Ricardo Reis)

Larawan galing sa iStock by Getty Images. Link ng larawan: <https://media.istockphoto.com/vectors/cage-inside-the-head-that-imprisons-the-ego-vector-id1278821859?k=6&m=1278821859&s=612x612&w=0&h=uQvsYBGdyoaDEbWpVKuoBtYVoGKmoM0EgFqeaJn3QCQ=>

Sumunod sa batas, kahit ito'y mali o ikaw
ni Fernando Pessoa (a.k.a. Ricardo Reis)

Sumunod sa batas, kahit ito'y mali o ikaw.
Maliit ang magagawa ng tao labas sa kanyang sarili.
Hamo na ang kawalang-katarungan.
Ang di mo mababago'y magbabago rin.

Ang kaharian mo'y ang binigay sa iyong isip,
At dito'y alipin ka ng Kapalaran at mga Diyos.
Nakapaghahari ang isip sa hangganang
Kusa ng iyong pakikiwari.

Kahit sakop doon, maipagyayabang mo pa rin
Sa iyong mga mananakop: Tadhana at mga dakilang diyos.
Hindi ka dalawang ulit na nadaig
Ng pagkatalo at pagkamedyano.

Kaya batid ko na. At ang minadaling hustisya
Na sinusubok nating ipang-ampat
Ay aking itinatakwil, tulad ng nangingialam
Na alipin, sa aking isip.

Paano ako, na hindi pinamumunuan ang sarili,
Na mamumuno o magpapasiya sa magaganap
Sa aking isip at katawan
Na isa lamang ngunit maliit na bahagi?

Hayaang kasapata'y sumapat sa akin at iba pa'y umikot
Sa nakatadhanang orbita, gaya ng pinagagalaw ng mga diyos:
Mga araw, mga gitna,
Mga alipin ng malawak na patuloy na pagbabago.

29 Enero 1921


*Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante

Mula sa:
Pessoa, Fernando. Fernando Pessoa & Co.: Selected Poems. Edited and translated from the Portuguese by Richard Zenith. New York: Grove Press, 1998.

Thursday, June 24, 2021

Mga Diona Alay kay Supremo (Tulaan sa Facebook 2013 ng LIRA)

Mga Diona Alay kay Supremo (Tulaan sa Facebook 2013 ng LIRA) *Naisalba mulang Facebook Notes. Isang feature ng Facebook na itinigil noong Oktubre 2020 1. Maypagasa
Tinadtad ka man noo't
sa lupa'y di binaon,
layon mo'y buhay ngayon
 
06/24/2013
 
2. Dapat Mabatid
 'Yong tabak at panulat
magkasanggang matapat
kaya katwira'y dapat.
 
06/27/2013
 
3. Ang Kalayaan
Peryodikong nilimbag,
paralumang liwanag
sa mga nabubulag.
 
06/30/2013
 
4. Abaniko
Ang abanikong hawak
matapos iwasiwas
ay gulok na matalas. 06/30/2013

Tuesday, June 15, 2021

Ichthus

Larawan ni Nicole Marionette De Castro, mula sa Twitter account ng St. Clement Parish (@scpangono). Link ng larawan: https://twitter.com/scpangono/status/1065783484608696321/photo/1


Ichthus* Louise Vincent B. Amante

Pagdaong ng pagoda, Huhudyat ang tambol
Ng stacatto na ritmo.
Susunod ang palo
sa mga tom-tom at bajo.
Mabilis ang melodiyang
Umiihip sa mga plawta,
Klarinete, saksopono,
Trombón, trompeta:
Umiindak ang bayan
Sa tugtog na pandanggo.

Sa pagbalik ng prusisyon
Sa simbahan,
Nasa angkla ng patron
Ang nahuling mga isda ng lawa.
May kanduli, bangus,
Tilapia, ayungin, karpa.
Kapag matataba’t
higit sa labindalawa,
sagana ang buong taon.
Kapag payat at kulang sa pito,
Baya’y mapapaantanda’t
Mapapabuntonghininga.

Pagdating sa patio,
Basâ ang damit ng lahat.
Tutugtog naman ng paso doble
Ang mga tambol at tom-tom,
Bajo, plawta,
Klarinete, saksopono,
Trombón, trompeta.
Sabay-sabay ang bayan sa pag-indak.
Iuugoy ang patron sa kanyang andas.
Pati mga isda’y napapasayaw
Sa galiáng kanilang nasasaksihan. #

Hunyo 2, 2021

*Kabilang sa SAMBANGKA: 15 Tula, proyektong koleksiyon ng mga tula/awit ng Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society para sa pamimintuho sa Mahal na Patrong San Clemente at ambag sa panawagang maituring na diocesian shrine ang Parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal. Unang nilimbag sa facebook page ng Angono Rizal News Online, 6 Hunyo 2021. 

San Clemente, Pintakasi

Larawan ni Nicole Marionette De Castro, mula sa Twitter post ng St. Clement Parish (@scpangono). Link sa larawan: https://twitter.com/scpangono/status/1065783484608696321/photo/1 

San Clemente, Pintakasi*
Louise Vincent B. Amante

Nang itali sa ‘yong leeg
Angklang bago at makinis,
Hudyat itong mapapatíd
Ang hininga mo ng tubig.

Tubig din ang nagsiwalat
Taon-taon sa ‘yong rilag.
Mula sa pusod ng dagat,
Itong himala’y namalas.

Namalas ng buong mundo
Di ang tiara sa ‘yong ulo
Kundi pag-ibig mong puro
Umabot sa bayang ito.

Itong mahal naming bayan
Angono ang tanging ngalan
Sa lupa’t tubig nabuhay
Kami dahil sa ‘yong gabay.

Gabay ka sa paglalayag
Ng pagodang matataas
Palamuti’y banderitas
Sa lawaang kumikislap.

Kumikislap mga kulay
Ng kambas, mga awitan.
Sining ng baya’y yumaman
Sagana sa bagay-bagay.

Bagay naming sinasabi
Mga salitang mabuti’t
Higit sa mga brilyante:
San Clemente, Pintakasi. #

Hunyo 2, 2021


*Kabilang sa SAMBANGKA: 15 Tula, proyektong koleksiyon ng mga tula/awit ng Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society para sa pamimintuho sa Mahal na Patrong San Clemente at ambag sa panawagang maituring na diocesian shrine ang Parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal. Unang nilimbag sa facebook page ng Angono Rizal News Online, 6 Hunyo 2021.

Wednesday, May 26, 2021

𝐁𝐨𝐛 𝐃𝐲𝐥𝐚𝐧 𝐏𝐡𝐢𝐥𝐢𝐩𝐩𝐢𝐧𝐞 𝐂𝐨𝐧𝐯𝐞𝐧𝐭𝐢𝐨𝐧 𝟐𝟎𝟐𝟏




Sari-saring aklat at magasin tungkol kay Bob Dylan. Tatlo ang tanging nilikha ni Dylan: Tarantula (1971), Chronicles, Volume 1 (2004), at Bob Dylan: The Lyrics, 1961-2012 (2016; unang edisyon, 2004). Kuha ng mananaysay ang larawan.
𝐁𝐨𝐛 𝐃𝐲𝐥𝐚𝐧 𝐏𝐡𝐢𝐥𝐢𝐩𝐩𝐢𝐧𝐞 𝐂𝐨𝐧𝐯𝐞𝐧𝐭𝐢𝐨𝐧 𝟐𝟎𝟐𝟏
Dahil birthday ni Bob Dylan kahapon... 🎂🥂

Napa-Zoom meeting kami kagabi, lampas 8pm, nina Abet, Gat Mizael, Von, Rene "Bong" Acosta, at Sir Ociredef Zeugnimod a.k.a. Boy D(ylan). Nagsimula lang ito sa isang thread sa aking FB post ng isang linya mula "Ballad of A Thin Man" ni Dylan. (Narito ang link: https://bit.ly/2RBKRdj)
Sinimulan namin ang huntahan sa pag-ukilkil sa kantang "My Own Version of You" ni Dylan na kasama sa pinakahuli niyang album, ang 𝑅𝑜𝑢𝑔ℎ 𝑎𝑛𝑑 𝑅𝑜𝑤𝑑𝑦 𝑊𝑎𝑦𝑠 (2020). Suhestiyon ito ni Abet bago pa ang Zoom meeting. Di ko napapansin ang lyrics pero babad si Abet sa pag-aaral nito. Habang binabasa ko ang lyrics, makikitang pilosopikal pa rin ang Mamà. Ang una ko pang tingin dito, may pa-impress dahil sa kapapanalo pa lang niya ng Nobel Prize noong 2016. At itong 𝑅𝑜𝑢𝑔ℎ 𝑎𝑛𝑑 𝑅𝑜𝑤𝑑𝑦 𝑊𝑎𝑦𝑠 ang pinakauna niyang album ng mga orihinal na kanta mula 2012. Pero sa huntahan namin, consistent si Dylan mula pa 1960s sa kanyang pilosopiya na madudukal sa kanyang mga kanta. Mula sa 𝑇ℎ𝑒 𝐹𝑟𝑒𝑒𝑤ℎ𝑒𝑒𝑙𝑖𝑛' 𝐵𝑜𝑏 𝐷𝑦𝑙𝑎𝑛 (1962) hanggang sa 𝑇𝑒𝑚𝑝𝑒𝑠𝑡 (2012), solido siya sa paghahapag ng taguri niyang "mathematical music" na sa palagay ko'y bansag niya sa kanyang pagiging intelektwal, aminin man niya o hindi.
Syempre, may mga performances ala-Dylan. Si Von na kumakalabit ng gitara ang tumira ng "Buckets of Rain" at "Tomorrow is A Long Time" sa pagitan ng huntahang papunta na sa cerebral na usapan. Siya lang ang may tinotoma. Sari-sari ang pinuntahan namin, mula folk revival na sinimsim ni Dylan noong unang bahagi ng 1960s sa Estados Unidos, sa pag-electrify niya mula 1965 na kinainis ng mga puristang folkie at "fellow traveler," sa awtobiyograpiya ng 𝐵𝑙𝑜𝑜𝑑 𝑜𝑛 𝑡ℎ𝑒 𝑇𝑟𝑎𝑐𝑘𝑠 (1976), sa Christian-inspired na 𝑆𝑙𝑜𝑤 𝑇𝑟𝑎𝑖𝑛 𝐶𝑜𝑚𝑖𝑛𝑔 (1979) hanggang sa pagtiwalag dito sa 𝐼𝑛𝑓𝑖𝑑𝑒𝑙𝑠 (1983), sa selebrasyon ng mga katropang artist sa kanyang 30𝑡ℎ 𝐴𝑛𝑛𝑖𝑣𝑒𝑟𝑠𝑎𝑟𝑦 𝐶𝑜𝑛𝑐𝑒𝑟𝑡 𝐶𝑒𝑙𝑒𝑏𝑟𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 (1993), hanggang sa kanyang creative rebirth na produkto ng 𝑇𝑖𝑚𝑒 𝑂𝑢𝑡 𝑜𝑓 𝑀𝑖𝑛𝑑 (1997).
Di lang kami napakò kay Dylan. Napag-usapan din ang ilang sitwasyong pangkultura ng bansa, mula sa painting at musika. Dahil yumayaman na ang talakayan, kulang na lang ay magtayo kami ng pormal na Dylan convention dito sa Pilipinas. ☺
Dahil kumakatok na ang hatinggabi, ni-request ko kay Von ang ending song, ang "All Along the Watchtower." Sinasabayan namin si Von sa pag-awit.
Umaalingawngaw sa hangin ang himig ni Bob Dylan.
(Hindi ko na-screenshot ang huntahan. Sayang. Kaya ito na lang ang larawan sa itaas. Naiskor ko ang lahat ng aklat at magasin sa iba-ibang branch ng Booksale at mobile second-hand bookshop sa UP. Ang unang edisyon ng 𝐵𝑜𝑏 𝐷𝑦𝑙𝑎𝑛: 𝑇ℎ𝑒 𝐸𝑠𝑠𝑒𝑛𝑡𝑖𝑎𝑙 𝐼𝑛𝑡𝑒𝑟𝑣𝑖𝑒𝑤𝑠 ay nabili ko kay Sir Marcus A. Tanging 𝐶ℎ𝑟𝑜𝑛𝑖𝑐𝑙𝑒𝑠, 𝑉𝑜𝑙𝑢𝑚𝑒 1 ang brand new na binili ko.)

Sunday, May 23, 2021

"Tugma" ni Robert Pinsky



Tugma
Robert Pinsky

Hangin ay instrumento ng dila,
Ang dila'y kagamitan
Ng katawan, ang katawan
Ay instrumento ng kaluluwa,
Ang kaluluwa'y nilalang ng hangin.

Daluyan ang ibon ng kanyang awit.
Ang awit ay daigdig, isang sisidlan
Tulad ng kuwarto ng otel, handa
Sa ating mga panauhing magmamana
Roon ng sisidlan ng panahon.

Sa Cornell box, kasama
Ng efímera bilang sangkap,
Ang mëkhing na ibonisang pag-aaral
Ng dagling dung-aw, ang gaya-gayang
Sining, patay sa sulok ng kanyang daigdig.

Ang silid isang saknong tuntungan
Sa hagdang-hibla
Inakyatan ng mga mabuway
Isinilid na mga tinig na nakikisuno
Bawat isa'y bumibigkas Narito rin ako

Sa isang silid, isang tugma, isang awit.
Sa mga kahon, sa mga aklat: bawat sangkap
Isang kagamitan, ang katawan
Pinipilit na gagarin
Ang kaluluwa, nilalang ng hangin.


Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante

mëkhing - (Ibaloi) pinatuyong katawan ng patay, mummy sa Ingles
dung-aw - (Iluko) awit papuri sa isang yumao

Mula sa: Pinsky, Robert. "Rhyme" from Gulf MusicFarrar, Straus and Giroux, 2007. p. 49-50.

Thursday, April 22, 2021

Tatlong Tanaga

Tatlong Tanaga
Louise Vincent B. Amante

1. 𝗠𝗮𝗹𝗶𝗹𝗶𝗶𝘁 𝗻𝗮 𝗕𝗮𝗴𝗮𝘆
Maliliit na bagay
na kapag hinayaan,
lumalaking tunay
na sa iyo'y papatay.

2. 𝗞𝗮𝗮𝗿𝗮𝘄𝗮𝗻
Pansit, puto, menudo . . .
Hapag-kainang puno
Sa biyaya ng lupa,
Santaong tiniyaga.

3. 𝗕𝗶𝗴𝗹𝗮
Dumilat na'ng bombilya
Sa poste. Isang saglit,
Kumidlat. Napapikit
Ang dumilat kanina.


21 Marso 2021
Lungsod Quezon

Monday, April 19, 2021

Tungkol sa Community Pantry at Pagsasalin

Dumarami na ang community pantries sa Luzon, na inaasahang bubukal din sa buong Pilipinas. Ayon kay Dr. Aurora E. Batnag*, magandang isalin bilang 𝘱𝘢𝘮𝘪𝘯𝘨𝘨𝘢𝘭𝘢𝘯 𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘺𝘢𝘯. Dagdag naman ni Dr. Antonio P. Contreras**, mahusay din ang salin na 𝘩𝘢𝘱𝘢𝘨 𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘺𝘢𝘯.

Tutungo na ang dalawang halimbawang salin sa mga diskurso ng pagsasaling-wika.
Dahil sa mga community pantry at posts nina Ma'am Batnag at Sir Tonton, naalala ko ang isang salingtula ni Fr. Albert E. Alejo, S.J. Mula ito sa antolohiyang 𝘎𝘢𝘭𝘪𝘢𝘯 6 (1985). Nais ko lamang ibahagi sa inyong lahat ang tula.

Thursday, April 1, 2021

Isip-lugaw

Isip-lugaw
ni Louise Vincent B. Amante

Galit na galit sila sa babaeng binansagan nilang lugaw mag-isip. Nang tumakbo kasi siya noong eleksyong 2016, nagbenta ng lugaw ang kanyang team para mapondohan ang kanyang kampanya.

Teka, ano ba'ng meron sa lugaw?

Sa kaserola, ginisa ang bawang, luya, at sibuyas na puti; dinagdagan ng bahaw, hinalong parang nagsasangag. Saka ibinuhos ang tubig para magkasabaw. Hinalo ulit hanggang sa lumapot ito. Binudburan ng asin, pwede ring patis. Mas masarap kapag may nilagang itlog. Budbod uli ng pinritong bawang at dahon ng sibuyas.

Madali namang lutuin lugaw. Kapag ibinenta, mura lang ang presyo. Ang isang taong gutom, makakabili agad nito. Kaya umusbong ang sawikaing tubong-lugaw. Mura ang puhunan, malaki ang kita.

Lugaw din ang ipinakakain sa isang maysakit. Pampainit din ito ng sikmura habang naghihintay sa ospital kung ang kanyang dinalang kaanak na nilalapatan ng lunas ay makauuwi o iko-confine.

Ngunit kung ang lugaw ay malabnaw, maiinis kang kainin ito. Halatang minadali ang pagluluto. Gin-short cut ang proseso. Kahit inumin mo na ang mangkok, napipilitan ka na lang na ubusin ito.

Laman ng social media ang isang video ng food delivery rider na pinigil ng mga nakabantay na barangay tanod. Ide-deliver niya ang lugaw sa isang residente ng barangay. Sabi ng tanod, hindi na siya maaaring pumasok sa barangay dahil curfew na ng ala-sais ng gabi. Nasa enhanced community quarantine ang tinawag na NCR plus: National Capital Region kasama ang mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna. May curfew pa simula Marso 29 hanggang Abril 4, ala-sais ng gabi hanggang ala-singko ng madaling-araw. Ito'y dahil sa tumaas muli ang mga kaso ng Covid-19 dito.

Sinabi ng rider na pagkain ang dala niya. Sabi ng tanod, hindi essential na pagkain ang lugaw. "Mabubuhay ang tao kahit walang lugawAng essential, tubig, gatas, grocery.Idinahilan ng rider na pagkain ang lugaw. Ipinilit ng tanod ang rason niya, sabay pakita ng listahan na kung alin ang essential goods.

Humirit pa ang isang opisyal na tama lang ang ginawa ng tanod. "Hindi essential SI LUGAW." Halata namang ang pinatutungkulan ay ang babaeng opisyal binansagan nila ng gayon nga. Pero di nila nakikita ang mga sarili na palpak sa mahigit isang taong remedyo sa pagsupil sa Covid-19. At ang sinisi ay ang mga taong nagkakasakit na't napipilitang kumayod pa rin para hindi sila mamatay nang dilat ang mata.

Ano nga uli ang isip-lugaw? Kapag walang sentido komun ang isang tao, ipipilit niya ang rason niyang nakatungtong sa malabnaw niyang isip.